Ang hirap sumulat ng tulang Tagalog

Gaano ba kahirap sumulat ng tulang tagalog?
Tingin ko kasing hirap ng dinaranas ko ngayon
Hindi malaman pano mag simula at pano matatapos ang mga bagay bagay
Malayo ito sa tula
Ito ay mga kathang isip lamang na pilit kong isinasalin sa ating wika
Walang saysay ang bawat salita dahil lutang ang aking damdamin
Pilit kong sinasabi sa sarili na may mga bagay na sadyang hanggang ganon na lamang
Pero sa bawat saglit, isang matinding dagok ng kalungkutan ang aking nararamdaman
Talagang mahirap sumulat ng tulang tagalog
Parang pagmamahal lamang
Komplikado at minsan hindi alam kung saan patungo ang direksyon

Saloobin sa wikang Tagalog : 1.2..3… Pass

Puno ng hangin ang utak ko. Sa dami ng problema, hindi ko na alam kung saan pa pupunta. Kung kanino hihingi ng tulong at kung paano makakarating sa lugar na kelangan kong marating. Ang hirap palang mag biyahe ng madaling araw at nanghihina ang katawan. Tila hindi ko makuhang humawak ng mahigpit sa bakal na tila kay lamig at walang pakialam sa aking iniinda. Saan na nga ba? Pano na nga ba? Hmm… simula Crossing papuntang Binangonan, malayo din pala. Lahat halos ng kasama ko sa dyip, tulog at humihilik. Buti pa sila, nakukuhang matulog habang ako, kahit na anong pagod ko, hindi na ata uso ang antok dahil sa walang tigil na kakaisip. Wala naman akong masabi sa damit ng babaeng ito. Ang tingkad tingkad na dilaw. Tila ba kay saya ng disposisyon sa buhay.

Naku, bandang Angono na pala ako… wala talaga akong pambayad sa dyip kaya inaaliw ko kayo ng mga salitang nag lalaro sa aking isipan. Pano ba ako hahakbang ng pababa? Baka awayin ako ng may ari ng dyip ah? Hindi naman siguro. Patuloy ang pagbaybay sa daan, may mga lansangan na ubod ng baho, ang iba, amoy aspalto. Malapit na sa huling hantungan. Eto na, nag parinig na ang kolektor, “Sa mga hindi pa bayad diyan, mag bayad na”. Hindi ako kumibo. “Ikaw miss sa dulo, wala ka pang bayad ha”. Eto na talaga, nahuli na ako. NAPAKAMALAS! Hindi ako makasagot, napilipit ang dila ko. Pero isa lang naman talaga ang sagot eh, “Wala akong pera”. Hindi ko alam kung sarili ko ba talaga ang narinig ko o kaluluwa ko na dahil sa takot. “Wala ka palang pera eh, bakit ka sumakay ng dyip?” tanong ng drayber. “Diyan lang ako sa may palengke, mag hahanap ng makakain” ang aking naibato. Ang babaeng nakadilaw, walang imik, hindi ko alam kung wala lang talaga siyang imik o natatakot lang sakin. Tingin niya siguro baliw ako. Oo, nababaliw na sa kagutuman. Sana may anghel na bumaba sa langit at mag bayad ng pasahe ko. Pero hindi naman talaga ako swerte sa mga gantong klaseng dasalin. Kaya ayun, walang anghel na bumaba sa langit, at ang babaeng nakadilaw, bumaba na lang bigla ng dyip. Alam ko na nakatingin siya sakin hanggang sa huling sandali at hindi malaman ang gagawin. Siguro iniisip niya, totoo kayang walang akong makain or nag d-drama lang? Puno pa din ng hangin ang utak ko.

_ 5/24/2013 2:30 ng madaling araw, nakakay ako sa dyip pauwi ng Binangonan, nakasuot ng damit na dilaw.